close

ANG ALAMAT NG SAMPAGUITA

Bantog ang nayon ng Sto. Cristo dahil sa magaganda nitong tanawin. Ang magkabilang kalsada nito na patungong bayan ay may nakahilerang puno. Malalabay ang mga sanga nito kaya nag-aabot sa gitna ng kalsada. Nagbibigay iyon ng malamig na lilim kaya gustong-gusto itong daanan ng mga manlalakbay.
Bukod sa malalim na kalsada ng Sto. Cristo at magagandang mga tanawin, isa pa sa mga ipinagmamalaki nito ay ang magaganda nitong dalaga. Namumukod sa mga dalagang ito si Elena. Tulad sa pangalan ay laging naiimbitahan bilang Maria Elena ang dalaga.Halos hindi na mabilang ang mga paanyayang tinatanggap ng dalaga upang maging tampok na kagandahan ng anumang pagtitipon. Ano pa at hindi rin mabilang ang mga. binatang naghahangad ng pag-ibig niya.

Sa kabila ng lahat, tila sarado ang pihikang puso ni Elena. Wala isa man siyang magustuhan sa rami ng mga manliligaw.Ang ibang mga binata ay nagpatulong sa kanilang mga magulang ang niligawan ang mga ito ay ang ama at ina ni Elena gayundin ang mga kapatid ng babae. Subalit bigo parin sila.
Kinausap ni Mang Anton at Aling Nina ang anak.

“Hindi sa ako ay nakikialam,” ani ni Mang Anton,”pero napansin kong hindi ka na bumabata.Wala ka pa rin bang napupusuan sa mga manliligaw mo?”

“Hayaan mo na lamang ako, ama.Kapag dumating ang sadyang lalaki para sa akin ay hindi ko pakakawalan,” pabirong sagot ni Elena.

Waring sinadya ng pagkakataon isang mangangaso ang napadpad sa Sto. Cristo. Naligaw ito at kina Elena nakapagtanong. Ang mangangaso ay si Roberto, isang taga-lungsod.
Niligawan ni Roberto si Elena. Tulad ng ipinangako sa ama, nang dumating ang lalaking iibigin ay hindi na nagpakipot si Elena. Sinagot agad niya si Roberto. Nang yayain siya ng kasal ng binata ay mabilis niyang tinanggap ang alok nito.

Maligayang-maligaya si Elena. Hindi niya inakala na saglit lang pala ang ligayang iyon. Dahil bago sumapit ang pag-iisang dibdib nila ni Roberto ay dumating ang isang babae at sinabing may pananagutan rito ang binata.Hindi nakapagkaila si Roberto ng kumprontahin ni Elena. Kahit ng humingi ito ng tawad ay naging matigas ang loob ng dalaga

“Isinusumpa kita!” ani Elena kay Roberto.
Mula noon ay nawalan ng kulay ang buhay ni Elena. Napuno siya ng hinagpis. Namatay siya sa lungkot na tanging inuusal ay ang salitang…”sumpa kita…sumpa kita…”

Kaya nang may tumubong halaman sa kanyang libingan ay namulaklak iyon ng ubod bango, hindi na rin nagdalawang isip ang ama’t ina niya na sumpa kita ang bulaklak, ang mga huling salitang binigkas ng anak bago sumakabilang buhay.

Lumipas ang panahon at ang mabangong bulaklak ay kinatuwaan ng marami. Ang salitang sumpa kita ay napalitan na rin at nang magtagal ay naging sampaguita. Dahil sa katangian nito at iwing kariktan, ang sampaguita ang naging pambansang bulaklak ng Pilipinas.

Tags : Alamat
Close Bitnami banner
Bitnami