close

Ang Kayarian ng mga Salita

Kayarian ng mga Salita

Dito malalaman kung papaano nabuo ang mga salita, kung ito ba ay salitang-ugat lamang, o may ikinakabit na panlapi, inuulit o tambalan.

1. Payak. Ang salita ay payak kung ito ay salitang-ugat lamang, walang panlapi, hindi inuulit at walang katambal na ibang salita.
Halimbawa:
  • Bahay ganda aklat takbo sariwa
  • Alaala bango kristal bakasyon bulaklak
2. Maylapi. Maylapi ang salitang binubuo ng salitang-ugat at isa o higit pang panlapi. Tulad ng:
  • umalis tinulungan magtakbuhan tindahan
  • umasa bumasa basahin sambahin
Uri ng Panlapi

Maaaring isa o higit pang panlapi ang matatagpuan sa isang salitang-ugat. Maaaring nasa unahan, gitna o sa hulihan. Buhat nito, may iba’t ibang uri ng panlapi.
a. unlapi – Ito ay mga panlapi na ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat.
  • Um + asa = umasa
  • Mag + aral = mag-aral
  • Mang + isda = mangisda
  • Ma + ligo = maligo
b. gitlapi – Ito ang mga panlaping isinisingit sa pagitan ng unang katinig at kasunod nitong patinig. Madaling salita, ang gitlapi ay mamatgpuan sa gitna ng salitang-ugat. Nagagamit lamang ang gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.
  • um- + basa = bumasa
  • in- + sulat = sinulat
  • um- + punta = pumunta
  • in- + biro = biniro
c. hulapi – Ito ay mga panlaping matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat.
Halimbawa:
  • hin + basa = basahin
  • an + gupit = gupitan
  • in + sulat = sulatin
  • han + una = unahan
 Mapapansin na ang –hin at –han ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa patinig. Samantalang ang –in at –an ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa katinig at sa impit na tunog na itinuturing din na isang ponemang katinig. Tulad ng sumusunod:
  • in + basa /basa?/ = basain hindi basahin
d. kabilaan – Kabilaan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan at hulihan ng salitang-ugat.
  • ka- -an + laya = kalayaan
  • mag- -an + mahal = magmahalan
  • pala- -an + baybay = palabaybayan
  • tala- -an + araw = talaarawan
 e. laguhan – Laguhan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan, gitna at hulihan ng salitang-ugat.
  • pag- -um- -an + sikap = pagsumikapan
  • mag- -in- -an + dugo = magdinuguan
 (Pansinin na ang o ay nagiging u kapag hinuhulapian. Pansinin rin kung saan inilalagay ang mga gitling ayon sa uri ng panlaping tinutukoy).

Paraan ng Paglalapi

Ito ay tumutukoy sa paglalagay ng o mga panlapi sa salitang ugat.

a. pag-uunlapi – Paglalagay ng panlapi sa unahan ng salitang-ugat.
  • sing- + bango = simbango
  • magsing- + puti = magkasimputi
  • pang- + linis = panlinis
  • labing- + siyam = labinsiyam
  • nakapaka- + sariwa = napakasariwa
  • um- + alis = umalis
  • taga + lunsod = tagalunsod
(Pansinin ang mga panlaping nagtatapos /ng/. Ang ng ay nagiging m kung ang kasunod na tunog ay /p at b/, naging nnaman kung ang kasunod na tunog ay /d,l,r,s,t/ at nanatiling ng kung ang mga tunog wala sa nabanggit sa mga tunog na ito).
b. paggigitlapi – Paglalagay ng panlapi sa gitna ng salitang-ugat.
  • in- + sariwa = sinariwa
  • in- + bagoong = binagoong
  • um- + ligaya = lumigaya
  • um- + takbo = tumakbo
 c. paghuhulapi – Paglalagay ng panlapi sa hulihan o katapusan ng salitang-ugat.
  • in + sariwa = sariwain
  • an + alis = alisan
  • hin + takbo = takbuhin
 d. pag-uunlapi at paghuhulapi – Ang panlapi ay ikinakabit sa unahan at hulihan ng salitang-ugat.
  • Ka- -an + lagay = kalagayan
  • Pa- -hin + sigla = pasiglahin
  • Ma- –an + tanim = mataniman
e. pag-uunlapi at pagigitlapi – Ang panlapi ay ikinakabit sa unahan at sa gitna ng salitang-ugat.
  • mag- -um- + sikap = magsumikap
  • i- -in- + kuha = ikinuha
f. Paggigitlapi at paghuhulapi – Ikinakabit ang panlapi sa gitna at sa hulihan ng salitang-ugat.
  • in- -an + tabas = tinabasan
  • in- -an + walis = winalisan
g. pag-uunlapi, paggigitlapi at paghuhulapi – Ang mga panlapi ay ikinakabit sa unahan, gitna at sa hulihan ng salitang-ugat.
  • pag- -um- -an + sikap = pagsumikapan
  • ipag- -um- -an + sigaw = ipagsumigawan
  • mag- -in- -an + dugo = magdinuguan
3.Inuulit  Makabubuo ng mga salita sa tulong ng reduplikasyon ng salitang-ugat. Maaaring ulitin ang salitang-ugat ayon sa uri nito:
a. parsyal o di-ganap na pag-uulit. Inuulit lamang ang isa o higit pang pantig o silabol ng salitang-ugat at kahit may panlapi pa ito, tulad nito:
alis = aalis ani = aani
lipad = lilipad ligaya = liligaya
ibig = iibig kidlat = kikidlat
maligaya maliligaya bumasa = bumabasa
b. Buo o ganap na pag-uulit. Inuulit ang buong salitang-ugat nang may pang-akop o wala o may panlapi o wala. Paalala lamang na ang salitang ugat lamang ang inuulit.
araw = araw-araw sino = sinu-sino
iba = ibang-iba marami = marami-rami
ayaw = ayaw na ayaw tao = tau-tauhan
c. Magkahalong ganap at di-ganap na pag-uulit. Ito ang tawag kapag inuulit ang isang bahagi at ang kabuuan ng salita.
lipad = lilipad-lipad payag = papayag-payag
tatlo = tatatlo-tatlo takbo = tatakbu-takbo
ilan = iilan-ilan sayaw = sasayaw-sayaw
(Alalahanin na hindi lahat ng mga salita na kung titingnan na may pag-uulit ay salitang inuulit na. Tulad ng mga salitang alaala, paruparo, sarisari, gunamgunam, guniguni, dibdib, kilikili at bulaklak ay mga salitang payak dahil wala namang salitang-ugat na ala, paro, sari, gunam, guni, dib, kili at bulak).
1. Tambalan. Ang dalawang salitang pinagsasama para makabuo ng isa lamang salita ay tinatawag na tambalang salita. May dalawa itong uri.
a. Tambalang di-ganap. Sa uring ito, ang taglay na kahulugan ng dalawang salitang pinagtatambal ay hindi nawawala. Walang ikatlong kahulugang nabubuo. Halimbawa, sa tambalang-salitang bahay-kubo, ang kahulugan ng bahay‘tirahan ng tao’ at ang kahulugan ng kubo ‘maliit na bahay na yari sa mga karaniwang materyales’ ay kapwa nananatili sa kahulugan ng salitang nabubuo. Ito ay nilalagyan ng gitlingbilang pampalit sa mga katagang kinaltas. Iba pang halimbawa:
Asal-hayop (asal ng hayop) kulay-dugo (kulay ng dugo)
ingat-yaman (ingat ng yaman) bahay-ampunan (bahay na ampunan)
silid-tanggapan (silid na tanggapan) daang-bakal (daan na bakal)
batang-lansangan (bata sa lansangan kahoy-gubat (kahoy sa gubat)
dalagang-bukid (dalagang tagabukid) urong-sulong (urong at sulong)
lumubog-lumitaw (lumubog at lumitaw) bahag-hari (bahag ng hari)
b. tambalang ganap. Sa uring ito, ang dalawang salitang pinagtatambal ay nakabubuo ng ikatlong kahulugang iba kaysa isinasaad ng mga salitang pinagsasama. Hindi ito ginagamitan ng gitling.
basag + ulo = basag-ulo
hampas + lupa = hampaslupa
bahag + hari = bahaghari (rainbow)
balat + sibuyas = balatsibuyas (sensitibo)
dalaga + bukid = dalagambukid (isda)
hanap + buhay = hanapbuhay (trabaho)
Tags : Wika
Close Bitnami banner
Bitnami