close

Ang Talambuhay ni Francisco Baltazar

Isinilang si Francisco Baltazar noong ika 2 ng Abril, 1788 sa nayon ng Panginay (Balagtas) Bigaa, Bulakan. Ang kanyang mga magulang ay sina Juan Baltazar at Juana Dela Cruz. Ang pagmamahalan ng dalawang ito ay nagbunga ng apat na supling, sina Felipe, Concha, Nicolasa, at Kiko. Nabibilang lamang sa maralitang angkan ang mag – anak na Baltazar. Ang kanyang ama ay isang panday at ang kanyang ina ay isang karaniwang maybahay. Si Kiko ay pumasok sa kumbento ng kanilang kabayanan sa ilalim ng pamamatnubay ng kura – paroko at ditto ay natutuhan niya ang Caton, misterio, kartilya at Catecismo.

Ang pandayan ng kanyang ama ay ginagawang tagpuan ng mga kanayon at dito ay naririnig ni Kiko ang mga usapan at pagtatalo tungkol sa sakit ng lipunang umiiral noon. Malaki ang nagawa nito sa kanyang murang isipan. Palibhasa’y may ambisyon sa buhay, inakalang hindi sapat ang natutuhan sa kanilang bayan kayat umisip ng paraan kung paano siya makaluluwas ng Maynila upang makapagpatuloy ng pag – aaral. Ayon sa kanyang ama mayroon silang malayong kamag – anak na mayaman, na naninirahan sa Tundo at maaari siyang pumasok dito bilang utusan.

Nagustuhan naman ang paglilingkod ni Kiko sa kanyang amo kaya pinayagan siyang makapag – aral. Nagpatala siya sa Colegio de San Jose na noon ay pinamamahalaan ng mga Hesuwitas. Dito’y natutuhan niya ang Gramatika, Latin at Kastila, Fiska, Geografia at Doctrina Cristiana. Noong 1812 ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag – aaral sa Colegio de San Juan de Letran at dito’y natapos niya ang mga karunungang Teolohiya, Filosofia at Humanidades. Naging guro niya si Padre Mariano Pilapil, ang may – akda ng Pasyong Mahal.

Naging tanyag si Kiko sa purok ng Tundo, Maynila sapagkat sumusulat siya ng tula at itinuturing na mahusay na makata. Sa Gagalangin, Tundo ay nakilala niya ang isang dalagang nagngangalang Magdalena Ana Ramos at ito’y napagukulan niya ng paghanga. Noong panahong iyon ay may isang tagaayos ng tula, si Jose dela Cruz na lalong kilala sa tawag na Huseng Sisiw sapagkat kung walang dalang sisiw ay hindi niya inaayos at pinag – uukulan ng pansin ang tulang ipinaaayos ng sinuman. Isang araw ay may dala – dalang tula si Kiko upang ipaayos kay Huseng Sisiw at sa dahilang walang dalang sisiw ay hindi ito inayos ni Jose. Umuwi si Kikong masamang – masama ang loob kayat simula noon ay hindi na siya humingi ng tulong sa makata ng Tundo.

Noong taong 1853, lumipat siya sa Pandacan at doon niya nakilala si Maria Asuncion Rivera. Sa kabila ng mga paalaala at payo ng mga kakilala at kaibigan na magiging mahirap para sa kanya ang pamimintuho sa dalaga sapagkat magiging karibal niya si Mariano Kapule, isang mayaman at makapangyarihan sa pook na iyon, subalit winalang – bahala ang mga paalalang ito, Hindi siya tumugot hanggang hindi nakadaupang – palad si Maria at hindi nga nagtagal at naging magkasintahan ang dalawa.

Palibhasa’y mayaman ginamit ni Nano ang taginting ng salapi upang mapabilanggo si Kiko. Nagtagumpay naman ito. Sa loob ng bilangguan ay nagdadalamhati si Kiko at lalo itong nalubos ng mabalitaan niyang ikinasal na ang pinag – uukulan niya ng wagas na pag – ibig at si Nano. Maraming nagsasabing sa loob ng bilangguan niya isinulat ang walang kamatayang Florante at Laura at buong puso niya itong inihandog kay Selya. Pagkalabas niya sa bilangguan noong 1838 ay minabuti niyang lumipat sa ibang tirahan upang di na magunita ang alaala ni Selya kaya ang alok na puwesto sa Udyong, Bataan ay buong puso niyang tinanggap. Muling tumibok ang kanyang puso ng makilala niya si Juana Tiambeng, isang anak na mayaman na naging kabiyak niya.

Nagkaroon sila ng labing – isang supling, limang lalaki at anim na babae sa loob ng labing – siyam na taong pagsasama nila. Pito ang namatay noong mga bata pa at sa apat na nabuhay isa lamang ang nagmana kay Balagtas. Dahil sa may mataas na pinag – aralan si Kiko kaya humawak siya ng mataas na tungkulin sa Bataan – naging tagapagsalin, tinyente mayor at huwes mayor de Semantera. Mainam –inam na sana ang buhay ng mag – anak ngunit nagkaroon na naman ng isang usapan tungkol sa pagkakaputol niya ng buhok sa isang utusan ng isang mayamang si Alfarez Lucas. Sa pagkakataong ito, namayani na naman ang lakas ng salapi laban sa lakas ng katwiran kaya napiit siya sa Bataan at pagkatapos ay inilipat sa piitan ng Maynila. Nang siyay makalaya, bumalik siya sa Udyong at dito nagsulat ng awit, komedya at namatnugot sa pagtatanghal ng dulang Moro – moro na siya niyang ibinuhay sa kanyang pamilya.

Noong ika – 20 ng Pebrero, 1862 si Kiko ay namatay sa Udyong Bataan sa gulang na 74 na taon. Mga Akda at Karangalan ni Francisco Baltazar
Ang kauna – unahang tulang nagbigay sa kanya ng karangalan bilang “Isang Makata” ay ang “Pagsisisi” sinulat niya ito ng siya ay nakatira sa Tundo.Nagsulat siya ng mga Moro – moro, awit at korido at mga tulang nauukol sa ibat – ibang okasyon. Bukod sa “Florante at Laura” ay nakasulat siya ng iba pang awit at korido gaya ng mga sumusunod: La India Elegante y El Negrito Amante
Clara Balmori
Almanzor at Rosalina
Orosman at Zafira
Mahomet at Constanza
Bayaceto at Dorlisca
Auredato at Astrone
Don Nuno at Zelinda
Nudo Grodeano
Rodolfo at Rosemundo
Abdol at Miserena

Tags : Talambuhay
Close Bitnami banner
Bitnami