close

Sanaysang ng Kinabukasang Walang Kinabukasan

Kaunlaran. Mataas na antas ng teknolohiya. Iyan ang mga inaasahan ng mga tao sa nakaraan para sa kinabukasan ng mundo, ngunit sila rin ang dahilan kung bakit hindi ito nangyari. Matapos ang taon ng mga giyera, matapos milyon-milyong tao ang mamatay sa mga labanan, bumagsak ang ekonomiya sa lahat ng bansa at pinipilit ng lahat na bumawi. Ano nga ba ang laman ng hinaharap – ang panahong kailanma’y hindi mo pinangarap? Nagtataasan ang mga gusali sa gitna ng lungsod. Ang pinakamataas na gusali ay ang gusali ng “Central Government” na may 104 na palapag.

Dito nagaganap lahat ng trabaho at transaksyon ng gobyerno. Sa tuktok nito ay ang opisina ng gobernador na siyang pinuno ng lungsod. Ang ibang gusali ay para sa mga opisina at “apartments” ng mga taong wala pang asawa. Samantala, ang mga pamilya ay nakatira sa “sub-urban areas”. Ang istura ng lahat ng bahay ay pare-pareho – kwadrado, puti, may dalawang pinto, walo ang bintana, at gawa sa semento. Ang paaralan ay nasa pagitan ng sub-urban areas at sentro ng lungsod.

May apat na gusaling may tig-lilimang palapag. Tig-iisang gusali para sa “installation year”, elementarya, mataas na paaralan at kolehiyo. Walong buwan ang pasok bawat taon at apat na taon lamang ang ginugugol ng bawat bata sa pag-aaral. Tig-iisang taon lamang para sa installation year, elementarya, mataas na paaralan at kolehiyo. Mag-uumpisang mag-aral ang isang bata sa edad na anim at magtatapos sa edad na sampu at mula doon ay kailangan na niyang tumulong sa pagbawi ng ekonomiya. Sa installation year, lalagyan ng “download device” ang utak ng mag-aaral. Ito ang magda-download ng mga aralin mula sa mga “transmitter” ng mga facilitator papunta sa utak. Dahil dito, ang mga facilitator, dating tinatawag na guro, ay hindi na kailangang magturo ng mano-mano.

Matapos mai-download ang mga aralin, sasanayin ng mga facilitator ang mga mag-aaral sa loob ng walong buwan. Sa kolehiyo, ang mga aralin na ida-download at sasanayin ng mga mag-aaral ay tungkol na sa kanilang magiging trabaho. Sa pagtatapos ng mag-aaral sa kolehiyo, lalagyan naman sila ng “communicator device”.

Ito na ang kanilang gagamitin upang makipag-usap sa taong malayo sa kanila at sa trabaho. Mayroong mga lumilipad na kotse tulad ng inaasahan ng mga tao sa nakaraan, ngunit hindi ito maaaring gamitin ng isang ordinaryong tao. Tanging pulis at ang gobernador lamang ang maaaring gumagamit ng lumilipad na kotse.

Ang mga ordinaryong tao ay sumasakay sa “tram” kung mula sa sub-urban areas at “bullet train” naman ang umiikot sa sentro ng lungsod. Bawal magmay-ari ng kahit anong uri ng sasakyan ang isang ordinaryong tao. Iisang pagkain lamang ang maaaring kainin ng mga tao – ang “synthetic tofu” – na ginawa at ipinamamahagi ng mga pagawaan ng gobyerno. Mahal ito kaya hanggang dalawang beses lamang nakakakain ang isang tao sa isang araw. Ito na lamang ang maaaring kainin ng tao dahil wala nang tutubong tanim at wala nang mabubuhay na hayop kahit saan. Dahil naman sa halos maubos na ang tubig na maaaring inumin, nililimitahan lamang sa kalahating baso bawat araw ang maaaring inumin ng bawat tao. Napakaseryoso ng buhay, lalo na ng mga manggagawa, dahil may ekonomiyang kailangang bawiin. 15 oras kada araw ang trabaho.

Bawal magsaya, bawal magliwaliw, bawal magbakasyon. Araw ng Linggo lamang ang ibinibigay na araw para magpahinga. Ang hindi sumunod sa batas at sa mga paghihigpit, lalo na kapag sumobra sa kalahating baso ang ininom na tubig, ay habangbuhay na ikukulong sa kulungan sa ilalim ng lupa na tinatawag na “dungeon” at itinuturing na perwisyo dahil hindi nakakatulong sa pagbawi ng ekonomiya. Pinakanapabayaan sa lahat ay ang kalikasan. Halos lahat ng puno sa mundo, kung hindi pinutol, ay patay na. Iisa na lamang ang natitirang buhay na puno sa mundo – isang mabungang puno ng mansanas – na pinakaiingat-ingatan at hindi hinahayaan ang kahit na sino na lumapit dito. Dahil wala na ang mga puno, wala nang gagawa ng “oxygen” na kailangan para makahinga kaya ang bawat lungsod ay may “oxygen machine” na siyang naglalabas ng oxygen tuwing pagsikat at paglubog ng araw.

Halos wala na ring malinis na tubig. Napakarumi na maging ng tubig sa dagat dahil ito na ang bagong mga “dumpsite”. Ang tubig sa mga “dam” ay sobrang iniingatan at tinitipid kaya naghihigpit sa dami ng tubig na maaaring inumin. Ang tubig sa mga dam na ito ay sobrang dalang na lamang madagdagan. Minsan, umuulan isang beses sa isang buwan na nagtatagal ng tatlong minuto. Kadalasan, wala. Sobrang init ng mundo, madumi ang hangin, lupa at tubig. Huwag na huwag kang titingin sa paligid, manghihina ka at malulungkot.

Sana, ang mga tao sa nakaraan, noong mayabong pa ang kalikasan, noong marami pa ang mapagkukunang likas na yaman, noong malinis pa ang tubig, ay pinagkaingat-ingatan ang mga ito. Sana nagkabati-bati na lamang ang mga bansa sa halip na mag-giyera. Sana naisip nila na ganito ang kahihinatnan ng mundo dahil sa mga pinaggagawa nila. Sana ang ginawa na lamang nila noon ay ang mga bagay na magtutulak sa kinabukasang iniisip nila na maunlad, high-tech at masaya. Ngunit ito ang kinabukasang nagawa – isang kinabukasang tila wala nang kinabukasan.

Tags : Sanaysay

1 Comment

Comments are closed.

Close Bitnami banner
Bitnami